Photo by Senate of the Philippines FB
Tiniyak ni Senador Erwin Tulfo na hindi maaantala ang pagsusulong ng mahahalagang panukalang batas kahit magsilbi silang mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tulfo, bagama’t tungkulin ng Senado na gampanan ang papel nito bilang impeachment court, hindi maaaring mapabayaan ang mga suliraning kinahaharap ng mga Pilipino, tulad ng mataas na presyo ng pagkain, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, at mga usapin ng kapayapaan at kaayusan.
Sinabi ng senador na dapat kayanin ng Senado na sabay na gampanan ang tungkulin nito bilang mambabatas at bilang impeachment court upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Kabilang sa mga prayoridad na nais niyang isulong ang panukalang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, mga amyenda sa Oil Deregulation Law, paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, at komprehensibong pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Ayon pa kay Tulfo, mahalaga ring ipagpatuloy ang oversight functions ng Senado.
Bilang miyembro ng Blue Ribbon Committee, sinabi niyang dapat magpatuloy ang mga imbestigasyon kaugnay ng mga flood control project, gayundin ang isyu ng malawakang pagputol at paglilipat ng mga puno sa Palawan.
Binigyang-diin din ni Senador Erwin Tulfo ang pangangailangang repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act at ang Anti-Bullying Act kasunod ng pagtaas ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Nanawagan din si Tulfo sa kanyang mga kapwa senador na manatiling nagkakaisa sa pagtugon sa mga suliraning pang-ekonomiya at panlipunan ng bansa.