DepEd
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) ang ligtas na pagbabalik-eskwela at pagpapatupad ng flexible learning sa San Jose National High School sa Tacloban City kasunod ng trahedyang naganap sa loob ng paaralan noong June 22.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi mamadaliin ng kagawaran ang emosyonal na paghilom ng mga naapektuhan kaya pinalawig ang flexible learning upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga labis na naapektuhang mag-aaral.
Kasabay nito, pinatatag ng DepEd ang mga hakbang sa seguridad sa ilalim ng nationwide School Safety Campaign, kabilang ang pagsasagawa ng school safety audits upang matukoy at matugunan ang mga kahinaan sa imprastraktura ng mga paaralan.
Nakumpleto na rin ang mga upgrade sa seguridad sa San Jose National High School, kabilang ang paglalagay ng karagdagang CCTV camera, walk-through metal detectors, perimeter fencing, at mas madalas na pagpapatrolya ng mga pulis.
Inayos at muling pininturahan din ang mga pasilidad, habang ang silid-aralang pinangyarihan ng insidente ay ginawang opisina at hindi na muling gagamitin bilang silid-aralan.
Patuloy ding pinalalakas ng DepEd, katuwang ang mga lokal na awtoridad at partner organization, ang mental health at learner protection systems sa pamamagitan ng Psychological First Aid, counseling, at confidential reporting channels para sa kaligtasan ng mga mag-aaral. | ulat ni Diane Lear