Kumpiyansa ang Manila Water na hindi magkakaroon ng anumang water interruption sa mga customer nito sa East Zone ng Metro Manila kahit umabot pa sa peak ang El Niño.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ng Manila Water na handa ang kanilang sistema dahil sa pinalawak na operational capacity at pagdaragdag ng mga bagong water source para mabawasan ang pagdepende sa Angat Dam.
Kabilang sa kasalukuyang pinagkukunan ng suplay ang Angat Dam, Wawa-Calawis Water Treatment Plant, at mga pasilidad sa Laguna Lake sa Cardona at East Bay.
Inaasahan ding makukumpleto na ang Phase 2 ng East Bay Water Treatment Plant sa Setyembre at ang Kaysakat Water Treatment Plant sa Oktubre para madagdagan pa ang suplay ng tubig.
Ayon kay Manila Water Chief Operating Officer Arnold Jether Mortera, kung magkaroon man ng epekto ang matinding El Niño, posibleng pagbaba lamang ng water pressure ang maranasan ng ilang customer, partikular sa mga matataas na lugar at malalayong bahagi ng distribution system.
Aniya, posible lamang din ito sa panahon ng tag-init kung kailan tumataas ang konsumo at bumababa ang suplay ng tubig.
Sa kasalukuyan, tumatanggap ang water concessionaires sa NCR ng 48 cubic meters per second na alokasyon mula sa National Water Resources Board (NWRB).
Kasabay nito, tuloy-tuloy rin ang pakikipagtulungan ng Manila Water sa mga lokal na pamahalaan at paghikayat sa publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig.