Mahigpit na tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang lagay ng kalusugan ni Sen. Rodante Marcoleta, na nananatili pa rin sa PNP General Hospital sa Kampo Crame.
Ito’y matapos dumaing ng pananakit ng dibdib at makaranas ng pagtaas ng blood pressure ang senador kahapon kasunod ng kanyang pagkakaaresto dahil sa kasong plunder na may kaugnayan sa pagtanggap ng P75 million campaign donations.
Unang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na dahil 72 taong gulang na si Marcoleta, kinakailangan munang matiyak ang pagiging “fit” for trial bago matukoy kung maaari na siyang ibiyahe sa detention facility.
Posible umanong tumagal ng dalawang araw o hanggang bukas ang assessment upang makita ang buong medical picture ng senador dahil kinakailangan pa nitong sumailalim sa iba’t ibang medical examination, kabilang ang ECG.
Nakasalalay naman sa mga doktor ng PNP General Hospital kung kailan ihaharap sa Sandiganbayan si Marcoleta para sa return of warrant bago siya dalhin sa Quezon City Jail Facility sa Payatas.