Tinawag ng Department of National Defense (DND) na isang “reckless display of military power” ang isinagawang ballistic missile test ng China sa South Pacific kamakailan.
Sa pahayag ni Defense Spokesperson, Assistant Secretary Arsenio Andolong, sinabi nitong ipinakikita ng naturang missile test ang kawalan ng paggalang sa maliliit na bansa at sa ecological systems na pinagkukunan ng kabuhayan ng kanilang mamamayan.
Wala aniyang mapayapang layunin ang naturang missile launch at isa itong calculated act at probokasyon laban sa mga bansang tumututol sa umano’y illegal expansionism at coercive conduct ng China.
Iginiit din ng DND na nakikiisa ang Pilipinas sa mga bansa sa Pacific sa panawagang kumilos nang responsable ang China at itigil ang paggamit sa mga karagatan bilang lugar ng pagpapakita ng imperial ambition nito.