Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na maging handa at makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan sa inaasahang pagpasok ng Super Typhoon Bavi, na tatawaging Inday sa bansa.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, mahalagang sundin ng mga residente, lalo na ang mga nakatira sa posibleng daanan ng bagyo, ang mga abiso ng kanilang LGU, lalo na kaugnay ng preemptive evacuation.
Tiniyak naman ng DSWD na nakahanda na ang mga regional field office nito na magbigay ng kinakailangang ayuda sa mga maaapektuhan ng bagyo, kabilang ang family food packs, ready-to-eat food, at iba pang relief items sa mga evacuation center.
Sa kasalukuyan, may nakapreposisyon nang mahigit 4.7 milyong family food packs at higit 360,000 ready-to-eat food packs sa iba’t ibang bodega at pangunahing pantalan sa bansa.
Naka-standby na rin ang mga specialized disaster equipment ng ahensya, kabilang ang mobile command center, mobile kitchen, water truck, at water filtration machine upang matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling lumala ang epekto ng sama ng panahon.