📷 Department of National Defense
Pormal na ginunita kahapon ng Department of National Defense (DND) ang ikasampung anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling, kasabay ng muling pagpapatibay ng komitment nito na itaguyod ang legal na tagumpay ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang pahayag, binigyang-pugay ng DND ang pagkakaisa at pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino mula sa mga mangingisda hanggang sa mga lingkod-bayan sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa sa pamamagitan ng batas.
Kasabay nito, matinding kinondena ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Embahada ng Tsina sa Maynila dahil sa patuloy nitong pagbalewala sa desisyon noong 2016. Inakusahan ni Teodoro ang embahada ng “kawalan ng katapatan” at “doble-cara” (duplicity), at pinalagan ang aniya’y “arroganteng pagpapakita ng mapanlinlang na galit” ng Tsina laban sa matatag na paninindigan ng Pilipinas.
Paspasang Modernisasyon ng AFP, Panawagan
Isang dekada matapos mapanalunan ng Pilipinas ang kaso laban sa malawak na pag-angkin ng Beijing sa South China Sea, hinimok ng policy think tank na Stratbase Institute ang pamahalaan na bilisan ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Dindo Manhit, presidente ng Stratbase Institute, panahon na upang isalin ng bansa ang legal na tagumpay nito tungo sa estratehikong lakas sa pamamagitan ng “multidomain modernization” — o ang pagpapalakas ng depensa sa lupa, dagat, himpapawid, cyber, at impormasyon.
“Ang Arbitral Award ay nagbigay sa Pilipinas ng legal na katayuan; ang susunod na dekada ay dapat maghatid ng estratehikong lakas,” ani Manhit sa kanilang inilabas na pag-aaral.
Suporta ng Publiko, Nananatiling Mataas
Malakas ang suporta ng mga Pilipino sa usaping ito. Sa pinakahuling survey na kinomisyon ng Stratbase nitong Mayo 2026, lumalabas na 86 porsyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa mga hakbang ng pamahalaan na ipagtanggol ang WPS kasama ang mga kaalyadong bansa.
Batay naman sa nakaraang survey ng Pulse Asia noong 2025, naniniwala ang publiko na ang pinakamahalagang paraan ng pagdepensa sa karagatan ng bansa ay ang:
- Pagsuporta sa AFP at Philippine Coast Guard (PCG).
- Pagpapatatag ng alyansa sa ibang bansa.
- Pagsasagawa ng mga joint patrol at military exercises kasama ang mga bansang may katulad na paninindigan.
Binigyang-diin ng Stratbase na hindi lamang militar ang dapat kumilos, kundi kinakailangan ang “whole-of-society effort” o pagtutulungan ng pamahalaan, civil society, akademya, pribadong sektor, at mga internasyonal na kasosyo upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.