Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon gayundin ng mga pang-uudyok sa internet na maaaring magdulot ng karahasan o makasira sa kaayusan ng publiko.
Ayon sa PNP, ito ay makaraang magsisimula nang ganap ang paglilitis ng Senado kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng Impeachment Court.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kanilang Anti-Cybercrime Group (ACG), intelligence units at lahat ng Police Regional Offices na paigtingin ang pagmamanman sa mga aktibidad sa internet.
Maaari aniya kasi itong mag-udyok ng karahasan, tumarget sa mga institusyon ng pamahalaan, o magbanta sa mga opisyal ng gobyerno kaugnay ng mga pagdinig sa impeachment.
Sinabi pa ng PNP Chief, lalo pa nilang pinaigting ang kanilang pagbabantay online upang matukoy ang mga nasa likod ng mga online post na nananawagan ng karahasan at pag-atake sa mga tanggapan ng Pamahalaan o pagbabanta sa sinumang opisyal nito.