Tulong-tulong ang mga mangingisda at uniformed personnel sa pag-ahon sa mga bangka patungo sa mas ligtas na bahagi ng mga dalampasigan at pantalan sa bayan ng Basco. Ito ay isinasagawa bilang maagang paghahanda sa inaasahang paglapit ng Super Typhoon Bavi na magdadala ng maalon na karagatan sa probinsya.
Ayon sa datos ng PAGASA, inaasahan na papasok ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo ngayong gabi o bukas ng umaga, July 8 at tatawaging Super Typhoon Inday.
Samantala, sa Barangay Chanarian na isa sa mga maituturing na low lying areas at storm surge prone areas sa Basco ay nauna na ring mag-ahon ng kanilang mga bangka at ipinarada sa gilid ng mga daan.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), inaasahan na simula Miyerkules ng gabi ay maaari nang magtaas ng gale warning ang PAGASA dahil sa inaasahan na epekto sa karagatn ng Super Typhoon Bavi.
Pinapayuhan naman ng PDRRMO ang lahat ng mga may-ari ng bangka, mga mangingisda maging ang mga may-ari ng mga pampasaherong bangka sa iba pang lugar sa probinsya na isagawa na ang pag-ahon sa mga bangka at dalhin sa mas ligtas na lugar bago pa magsimulang maramdaman ang masungit na panahon. | ulat ni Rodelyn Amboy | RP Batanes



