Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na mayroong plano para sa pagtatayo ng isang space center tungo sa pagkakaroon ng sariling military satellite ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ito ay kabilang sa natalakay sa 2026 First Semester Command Conference ng AFP kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw.
Sa ambush interview sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Brawner na naipaliwanag na nila sa Pangulo ang naturang plano at inaasahan nilang maisasakatuparan ito pagsapit ng 2028.
Ayon kay Brawner, katuwang ng AFP ang Philippine Space Agency sa proyekto. Uunahin aniya ang pagtatayo ng space center na maaari ring maging isang space command sa hinaharap, kasabay ng layuning magkaroon ng sariling military satellite.
Aniya, mahalaga ang satellite upang magkaroon ng mas mahusay na pagmo-monitor sa mga nangyayari sa kalupaan at karagatan, mapalakas ang communication system, at masuportahan ang drone system ng militar.
Sinabi rin ni Brawner na sa huling command conference noong December 2025, mismong ang Pangulo ang nagpahayag na dapat nang magkaroon ng sariling satellite ang militar at inaprubahan na rin aniya ang pondo para rito.
Ipinaabot din aniya ng AFP sa Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling satellite dahil sa lumalawak na banta ng cyber attack.
Batay sa datos ng AFP, nasa tatlong milyong cyber attack ang kinaharap ng Sandatahang Lakas mula noong Enero, at lahat ng ito ay matagumpay na napigilan ng kanilang mga cyber warriors.