Nilinaw ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na magpapatuloy ang impeachment trial hangga’t wala pang inilalabas na temporary restraining order (TRO) o status quo ante order ang Korte Suprema kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa paghalal kay Senador Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.
Ayon kay Tongol, may karapatan ang sinuman na gamitin ang lahat ng legal na remedyo. Gayunman, dahil nakabinbin na ang usapin sa Korte Suprema, hindi na magbibigay ng komento ang impeachment court bilang pagtalima sa sub judice rule.
Ipinaliwanag din niya na kung sakaling maglabas ng kautusan ang Korte Suprema, ang magiging tugon ng Senado ay pagpapasyahan ng buong impeachment court bilang isang collegial body.
Aniya, tulad ng mga naging sitwasyon noon, maaaring pagbotohan ng mga senador kung paano ipatutupad ang anumang kautusan mula sa isang co-equal branch ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Tongol na bagama’t may posibilidad na maglabas ng TRO ang Korte Suprema, nananatiling iginagalang ng Senado ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng mga magkakapantay na sangay ng pamahalaan.