Nagdesisyon si Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na bigyan ang pagkakataon ang defense team na makapaglatag ng kanilang closing argument sa pagtatapos ng pagtatanong sa unang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagsisimula ng ikatlong araw ng paglilitis, binalikan ni Escudero ang mosyon kahapon si Senator-Judge Pia Cayetano na burahin sa record ng impeachment court ang naging tugon ng prosekusyon sa naging pagtatanong ni Senadora Risa Hontiveros.
Para kasi kay Cayetano, tila naging closing statement na ang naging tugon ng prosekusyon.
Desisyon ni Escudero, imbes na i-strike out sa record ay bigyan nalang ng parehong oras ang depensa na tumugon at maglatag ng kanilang argumento.
Paliwanag ng presiding officer, kahit burahin nila sa records ng impeachment court ay napanuod na ng taumbayan ang naging pahayag ng prosekusyon dahil naka livestream ang paglilitis.
Dahil dito, binigyan ang depensa ng 5 minutes, 8 seconds para maglatag ng kanilang argumento…kapareho ito ng haba ng oras ng naging pahayag/tugon ng prosekusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion