Photo Courtesy of Senate of the Philippines FB
Kinumpirma ni Senator-Judge Pia Cayetano na binawi na niya ang kanyang mosyon na ipabura sa record ng Senate Impeachment Court ang naging tugon ng prosekusyon sa tanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang tinanong ni Hontiveros ang prosecution panel kung bakit maituturing na isang impeachable offense ang umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez na nakapaloob sa isang video na prinesenta sa korte.
Gayunman, para kay Cayetano, ang naging tugon ng prosekusyon ay mistulang isang closing argument na hindi pa naaayon sa yugto ng paglilitis.
Sa ikatlong araw ng impeachment trial nitong Miyerkules, sinabi ni Cayetano na tinatanggap niya ang naging solusyon ni Presiding Officer Chiz Escudero na bigyan ng kaparehong pagkakataon at oras ang kampo ng depensa para mailahad ang kanilang argumento.
Sa ilalim ng naging pasya ni Escudero, pinayagan ang depensa na magbigay ng kanilang tugon sa loob ng limang minuto at walong segundo, katumbas ng haba ng naging pahayag ng prosekusyon na unang kinuwestiyon ni Cayetano.
Kasabay nito, iginiit ng senador ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin sa impeachment court.
Ayon kay Cayetano, mahalagang ituwid at itawag-pansin ang anumang posibleng paglabag sa mga patakaran para mapanatili ang kaayusan at integridad ng proseso.
Aniya, walang sistema na magiging maayos ang takbo kung walang sinusunod na mga rules, kaya’t kinakailangang patuloy na bantayan at ipatupad ang mga ito kung kinakailangan para sa kapakanan ng hustisya.