Kinuwestiyon ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang kaugnayan ng pagpapalabas ng video ni Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules.
Sa isinagawang cross-examination ng depensa sa unang testigo ng prosekusyon na si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung, ipinakita ng kampo ni Duterte ang bahagi ng isang virtual press conference ni Lopez.
Makikita sa video ang emosyonal na pagtutol ni Lopez sa posibilidad na ilipat siya sa Correctional Institution for Women matapos siyang ma-contempt at ipadetine ng House committee na nagsisiyasat sa paggamit ng confidential funds ng OVP.
Matapos mapanood ang video, tinanong ni Hontiveros ang depensa kung ang ipinapalagay ba nilang dahilan ng umano’y mga pagbabanta ni Duterte ay ang pagkakadetine ng kanyang chief of staff.
Sumang-ayon naman si Defense Counsel Carlo Joaquin Narvasa at iginiit na mayroon aniyang “systematic oppression” laban kay VP Sara at sa kanyang mga tauhan sa isinagawang imbestigasyon ng Kamara.
Kasunod nito, muling nagtanong si Hontiveros kung ang posisyon ba ng depensa ay maaaring mabigyang-katwiran ang mga umano’y grave threats kung may lehitimong dahilan para rito.
Gayunman, sinabi ni Narvasa na hindi iyon ang puntong nais iparating ng depensa.
Namagitan naman si Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero at pinaalalahanan ang mga senator-judges na maging maingat sa pagtatanong na maaaring magtulak sa mga abogado ng alinmang panig na magbigay ng ‘conclusions of law and facts’.
Ayon kay Escudero, kung sasagutin ni Narvasa ang follow-up question ni Hontiveros ay magkakaroon na konklusyon ang kanilang dinidinig na hindi nagmula sa isang testigo.
Sinabi naman ni Hontiveros na iginagalang niya ang paalala ni Escudero, pero binanggit na sa mga nakaraang impeachment trial ay pinapayagan ang mga senator-judge na magtanong nang mas liberal para makakuha ng mga kinakailangang paglilinaw. | ulat ni Nimfa Asuncion