Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Sa patuloy pa pagbabago ng konsepto ng isang pamilyang Pilipino, kumakaunti na ang bilang ng Filipino couples na pinipiling magpakasal, partikular sa mga taong 2014 hanggang 2024.
Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, bumaba ng 13.5 posyento ang bilang ng mga nagpakasal sa nakalipas na dekada, mula 429,723 noong 2014 patungong 371,825 noong 2024.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Commission on Population and Development (CPD) Deputy Executive Director Lolito Tacardon na ang ganitong trend ay resulta ng kombinasyon ng iba’t ibang salik.
Paliwanag ni DED Tacardon, kinokonsidera ng Filipino couples ang kanilang economic and financial situation at ang kani-kanilang preference pagdating sa family formation, lalung-lalo na at mayroon ding mga magsing-irog na nais munang makamit ang kanilang “personal goals” bago tuluyang magpakasal.
Kaugnay nito, ibinahagi ng CPD official na kaakibat ng patuloy na pag-angat ng socioeconomic at educational status ng mga kababaihan ay ang pagbaba rin ng mga nanganganak.
Binigyang-diin naman ni DED Tacardon na hindi naman ibig sabihin ng pagkaunti ng Filipino couples na nagpapakasal ay ayaw na talaga nilang magpakasal.
Aniya, iniisip din ng mga magsing-irog ang tamang “timing” kaya may ilan na pinili munang manatili sa live-in set-up.