Umaasa si House Impeachment Team Adviser at Trial Spokesperson Ace Barbers na magkakaroon na ng pinal na desisyon o verdict sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago magtapos ang taong ito.
Hinimok ni Barbers ang publiko na bukas-pusong tanggapin sakaling magdesisyon ang Senado na may sala o kaya ay mapawalang-sala ang Bise Presidente.
Ayon kay Barbers, na dating kinatawan at governor ng Surigao del Norte, mahalagang matapos na agad ang usaping ito upang makapagpokus ang bansa sa iba pang mahahalagang isyu.
Sa Lunes, inaasahan ang muling pagpapatuloy ng paglilitis kung saan pagkakataon ng depensa na iharap ang kanilang mga ebidensya at testigo para sa Article 2 o ang unexplained wealth.
Nitong trial break, ginamit naman ng kanilang kampo na muling balikan at linawin sa publiko ang mga importanteng ebidensya ng prosekusyon, tulad ng mga record ng Metro City Chow Foods Corp., GenCorp, at ang paglilipat ng mga bahagi ng Cale88 na nais nilang ipaliwanag ng depensa.