Hindi na lang basta lindol ang pinaghahandaan ngayon ng Office of Civil Defense (OCD) kung hindi maging ang banta ng Tsunami.
Sa panayam ng programang Boses kay OCD Spokesperson Junie Castillo, sinabi niyang mahalagang malaman din ng publiko ang pinsalang idudulot ng tsunami oras na tumama ito sa mga komunidad.
Aniya, bukod sa duck, cover, and hold exercises na isinagawa nitong Huwebes sa 4th Quarter National Simultaneous Earthquake Drill ay binigyang-pansin din ang simulation exercise pagdating naman sa pagsasagawa ng community evacuation sa higher grounds bilang paghahanda naman sa banta ng tsunami.
Ikinatuwa rin ng OCD ang mas mataas na partisipasyon ngayon sa buong bansa dahil hindi lang mga ahensiya ng pamahalaan ang nakiisa ngayon kundi maging ang iba’t ibang paaralan sa buong bansa maging mga nasa pribadong paaralan.
Senyales umano ito, na mas tumataas na ang kamalayan ng mga Pilipino sa paghahanda sa sakuna tulad ng lindol at tsunami na isang positibong indikasyon pagdating sa disaster preparedness measures at resiliency ng bansa.
Aniya, nagsisilbi na itong muscle memory ng bawat Pilipino para mas mapataas ang kanilang survival chance sa panahon ng kalamidad at sakuna.