Handang ilabas ng mga kongresista ng National Unity Party o NUP ang detalye ng kanilang district allocations, kabilang ang mga proyektong inirekomenda nila sa panukalang 2027 national budget.
Ito ang tiniyak ni Deputy Speaker at NUP Chairperson Ronaldo Puno kasunod ng pakikipagdayalogo ng partido sa People’s Budget Coalition o PBC.
Ayon kay Puno, bukas ang lahat ng miyembro ng NUP na ibahagi ang detalye ng kanilang mga alokasyon sa distrito, at naniniwala silang obligasyon ng bawat mambabatas na maging transparent sa paggamit ng pondo ng bayan.
Una na ring ibinahagi ni Puno sa PBC ang detalye ng mga proyektong inilaan para sa kanyang sariling distrito.
Kasunod ito ng panawagan ng PBC na ilabas ang listahan ng mga proyektong idinagdag sa budget, kung sino ang nagmungkahi ng mga ito at kung ano ang naging batayan ng kanilang paglalaan.
Sinabi rin ni Puno na maaari nilang hilingin sa House Committee on Appropriations na ilabas ang pangalan ng mga proponents o mga mambabatas na nagrekomenda ng mga proyekto.
