Mahigpit na babantayan ng House Committee on Agriculture and Food ang imbestigasyon ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng maling coordinates sa walong farm-to-market road projects na nakapaloob sa panukalang 2027 national budget.
Ayon kay committee chair at Quezon Representative Mark Enverga, nais ng Kongreso na matiyak na mapapanagot ang mga responsable at hindi na mauulit ang kaparehong pagkakamali.
Ikinatuwa ni Enverga ang desisyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na imbestigahan kung paano nakalusot ang maling coordinates sa proposed 2027 budget.
Aalamin din aniya kung anong mga hakbang ang ipatutupad ng DA upang maiwasan ang kaparehong problema sa mga susunod na budget submission.
Nauna nang inamin ng DA na walo sa 1,669 na farm-to-market road projects sa National Expenditure Program (NEP) ang may maling coordinates dahil sa encoding errors o maling pagkaka-type ng isa o dalawang numero.
Malugod ding tinanggap ni Enverga ang pakikipagtulungan ng DA sa civil society organizations para suriin ang mga kuwestiyonableng proyekto at palakasin ang transparency.
Binigyang-diin ng mambabatas, na patuloy na gagamitin ng Kongreso ang oversight function nito upang matiyak na tama ang impormasyong isinusumite ng mga ahensya at hindi masasayang ang pondo ng bayan dahil sa mga pagkakamaling maaari namang maiwasan.