Hindi tama ang argumento ng defense team ni Vice President Sara Duterte nang sabihin nila na tila, pinawawalang bisa ang boto ng 32 milyong Pilipinong nagluklok kay Vice Preisident Sara Duterte, sa nagaganap na impeachment trial sa ikalawang pangulo.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na kung ang argumento ng defense team ni VP Sara ang susundin, maaari na daw bang gumawa ng impeachable offense ang isang public servant, dahil lamang nakakuha ito ng 100% na boto mula sa mga Pilipino?
Kaya aniya mayroong probisyon sa batas kaugnay sa impeachment, ay dahil ito lamang ang paraan upang mapatalsik ang isang public servant na umabuso sa kapangyarihan.
“Kung iyon ang susundan natin reason o argumento, ibig mong sabihin kahit na 100 percent ng mga Pilipino ang boboto sa isang public servant puwede na siyang gumawa ng mga impeachable offenses dahil malaki naman iyong boto niya eh – so, huwag nang pansinin iyong mga impeachable offenses na diumano nagawa kasi binoto siya ng milyon o trilyon na mga Pilipino sa Pilipinas.” — Castro.
Pagbibigay-diin ni Castro, ang impeachment ay usapin ng accountability at transparency at hindi bilangan ng botong nakuha noong eleksyon.
“Hindi po ito tamang argumento kaya nga po mayroon tayong provision sa Constitution ng impeachment dahil ito lamang po ang paraan na maaaring makapagpatalsik sa isang public servant na umabuso ng kapangyarihan at nagsagawa ng impeachable offenses. Hindi po usapan ito ng numero ng mga bumoto; ang usapan po dito ay accountability, transparency of course sinasabi natin dapat kung liable ka, managot ka.” — Castro.