Screengrab from U.S. Central Command
Muling sumiklab ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos kumpirmahin ng Iran na nagsagawa ito ng missile at drone attacks laban sa mga pasilidad ng Estados Unidos sa Bahrain at Kuwait.
Ayon sa Revolutionary Guards ng Iran, isinagawa nila ang operasyon bilang tugon sa panibagong serye ng airstrike ng Amerika na tumama sa mahigit 60 malilit na bangka nito kabilang ang missile system at drone launch sites.
Dahil dito, agad nagpatunog ng air raid sirens ang Bahrain at Kuwait habang pinakikilos ang kanilang air defense systems upang harangin ang mga paparating na banta.
Iginiit naman ng Washington na layunin ng kanilang pag-atake na protektahan ang kalayaan sa paglalayag sa Strait of Hormuz matapos ang sunod-sunod na insidente sa mga komersyal na sasakyang pandagat.
Patuloy namang binabantayan ng pandaigdigang komunidad ang lumalalang krisis mula sa maaaring epekto nito sa seguridad at suplay ng langis sa buong mundo.