Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) ang kahandaan nitong tumugon sa anumang posibleng aberya sa serbisyo ng kuryente na maaaring idulot ng Super Typhoon Inday at ng pinalakas na habagat.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, nakaantabay 24/7 ang kanilang mga crew upang agad na rumesponde sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.
Nagpatupad na rin ang Meralco ng mga kinakailangang paghahanda at nagpaalala sa mga may-ari at operator ng billboard na pansamantalang ibaba ang mga ito upang maiwasan ang pagkatumba dulot ng malalakas na hangin.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng Meralco ang publiko na sundin ang electrical safety tips, lalo na sa mga lugar na maaaring bahain, kabilang ang pagpatay sa main power switch o circuit breaker, pag-unplug ng mga appliance, at iba pa.
Hinikayat din ng kumpanya ang mga customer na panatilihing bukas ang communication channels, i-charge ang kanilang gadgets, at i-monitor ang mga anunsyo ng Meralco sakaling magkaroon ng aberya sa serbisyo ng kuryente.