Nananatiling “clinically stable” ang kondisyon ni Senador Rodante Marcoleta na naka-confine ngayon sa PNP General Hospital ngunit hindi pa siya maaaring bumiyahe dahil sa pabago-bagong blood pressure.
Sa ambush interview sa Camp Crame kay PNP General Hospital Internal Medicine Department Chief Lt. Col. Belany Bayani, sinabi niya na umabot sa 160/90 ang blood pressure ng senador, na itinuturing na hypertensive stage 2, kaya kailangan pa itong bantayang mabuti.
Ayon kay Bayani, nawala na ang mga naunang sintomas ni Marcoleta tulad ng chest pain at nape pain. Gayunmapan ang blood pressure ang binabantayan nila ngayon.
Lumabas din aniya sa resulta ng chest x-ray na mayroong mild pneumonia at cardiomegaly ang senador.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng kanyang 2D echo at blood chemistry, na inaasahang lalabas mamaya o kaya bukas (July 9).
Dagdag pa ni Bayani, maaari umanong nakaambag ang dati nang hypertension at stress sa pagtaas ng blood pressure ni Marcoleta.
Aniya, mailalabas lamang ang senador kapag nakumpleto na ang lahat ng laboratory examinations at naging kontrolado na ang kanyang blood pressure.