Inatasan ng National Electrification Administration (NEA) ang lahat ng electric cooperatives sa bansa na agad magpatupad ng contingency measures bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday.
Kabilang sa mga ipinag-utos ng NEA ang pag-activate ng emergency response teams, mahigpit na monitoring sa lagay ng panahon, at paghahanda ng sapat na kagamitan at buffer stocks para sa mabilis na pagkukumpuni ng mga pasilidad ng kuryente.
Layunin ng hakbang na mabawasan ang pinsala sa power distribution facilities at mapabilis ang pagpapanumbalik ng serbisyo kung magkaroon ng malawakang pagkawala ng kuryente.
Pinayuhan din ng NEA ang publiko na unahin ang kaligtasan, magtipid sa baterya ng mga communication device, at agad iulat sa kanilang local electric cooperative ang ano mang naputol na linya ng kuryente.
Batay sa pinakahuling weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang Super Typhoon Inday sa layong 1,270 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 195 kilometro kada oras, at pagbugsong hanggang 240 kilometro kada oras.
Inaasahang mananatiling isang super typhoon ang Inday hanggang Huwebes at posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado.