Ipinagtataka ng Malacañang na tila takot ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa pag-upo ng isang abogado bilang presiding officer ng impeachment court.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, makaraang dumulog sa Korte Suprema ang grupo ng mga abogado, sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon, upang humiling ng status quo ante order, at kwestiyunin ang mga pagbabago sa Rules of Procedure on Impeachment Trials.
Partikular na dito ang paghirang ng presiding officer na hindi ang Senate President.
“Sa ating pagkakaalam, ito naman ay naaayon din naman sa konstitusyon at marami rin na mga legal luminaries, isama na natin si dating Supreme Court Justice Azcuna na sinabi na ito naman ay naaayon din naman sa konstitusyon dahil walang particular na sinasabi na bawal ang hindi Senate President ang mag-preside sa isang impeachment trial.” -Castro.
Bagama’t kinikilala ng Malacañang na karapatan ng kampo ni Vice President Duterte na dumulog sa Korte Suprema, binigyang diin din nito na naaayon sa batas ang naging hakbang ng Senado.
Bukod dito, marami na rin aniyang legal luminaries ang nagsabi na hindi naman ito ipinagbabawal sa batas.
“So, karapatan naman po nila na tumakbo sa Supreme Court at ano po ba ang kinakatakot nila if ever kung isang abogado ang nakaupo bilang presiding officer ng impeachment?” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan