Nakatakdang magsagawa ang Department of Education (DepEd) ng Active Shooting drills simula sa Biyernes, July 10, kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sa ambush interview kay Education Secretary Sonny Angara sa Bulacan, sinabi ng kalihim na layunin ng naturang drills na maipakita sa mga estudyante at school personnel ang mga hakbang na dapat gawin sakaling magkaroon ng insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan.
Ayon kay Angara, dahil dito magkakaroon na nga protocol na susundin sa mga ganitong sitwasyon.
Samantala, sa isyu naman ng mga bomb threat sa mga eskwelahan, sinabi ni Angara na hihingi ng tulong ang DepEd sa Philippine National Police dahil dumadami ang ganito kaso.
Mayroon kasing pagkakataon na pinauuwi aniya ang mga mag-aaral dahil sa bomb threats at naaantala ang klase pero ang iba namang paaralan ay nakikipag-ugnayan sa SWAT Team.
Matatandaang pinaigting ng DepEd ang mga hakbang sa seguridad sa ilalim ng nationwide School Safety Campaign para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at school personnel.