Arestado ang dalawang dayuhan na kinabibilangan ng isang Taiwanese at isang Malaysian national na inireklamo ng illegal detention ng kanilang mga empleyado.
Ito’y sa isinagawang rescue operation ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang condominium building sa Malate Maynila nitong Oktubre 28.
Pinangunahan ng CIDG -NCR Field Unit ang operasyon kung saan, nasagip ang tatlong empleyado kabilang na ang isang lalaki at dalawang babae.
Ang modus ng mga dayuhan, inalok nila ang tatlong Pilipino ng trabaho bilang “vitrual assistant” na may pangakong suweldo na $400 hanggang $500 at may karagdagang $100 incentive kung walang absent sa trabaho.
Oktubre 23 pa idinetine ng dalawang dayuhang suspek ang mga biktima, kinumpiska ang kanilang mga cellphone at pinagtatrabaho mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi kung saan, ipinasok sila sa mala-POGO na love scam scheme.
Nakumpiska sa pinangyarihan ng operasyon ang mga laptop, cellphone, IDs, iba’t ibang dokumento kabilang na ang isang bag na naglalaman ng mga tinatawag na “love scam scripts”.
Hawak na ng mga awtoridad ang dalawang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang illegal detention, qualified human trafficking at iba pa.