Tinatayang aabot sa mahigit 50,000 ang inaasahang daragsa sa mga pangunahing sementeryo sa bayan ng Angono, lalawigan ng Rizal ngayong araw.
Taliwas sa nakagawian, tuwing Nobyembre 2 ginugunita ng mga taga-Angono ang mga yumaong mahal sa buhay bilang ito ang tinatawag na “All Souls Day”.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang residente na ito na ang kanilang naka-ugalian at naging tradisyon na sa kanilang bayan na minana pa nila sa kanilang mga ninuno.
Kabilang sa mga kilalang personalidad na nakahimlay sa St. Clements Catholic Cemetery ay ang National Artist for Painting na si Carlos “Botong” Francsico, National Artist for Music na si Maestro Lucio San Pedro.
Gayundin ang kilalang iskultor at dating Alkalde ng bayan ng Angono na si Nemecio Miranda Sr.
Mahigpit na nakabantay dito ang mga tauhan ng pulisya katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mga kagawad ng barangay at force multipliers.
Paalala ng mga awtoridad, bawal ang pagdadala ng matutulis na bagay, mga nakalalasing na inumin, gamit pangsugal at mga sound system.
Mayroon din nakatayong command center sa lugar na batuhan ng impormasyon para sa mas mabilis na komunikasyon.
Bukod sa St. Clement Catholic Cemetery, inaasahan din ang pagdagsa ng mga bibisita sa Angono Municipal Cemetery at Symphaty Memorial Park.