Photo courtesy of DOH Cagayan Valley
Bilang tugon sa banta ng Typhoon Inday, pinaigting ng Department of Health (DOH) Cagayan Valley ang kahandaan ng buong health sector kasunod ng pagtataas ng Code White Alert Status.
Kaagad na inatasan ni Regional Director Ferdinand Benbenen ang lahat ng DOH-retained hospital na paganahin ang kanilang emergency response mechanisms at magtalaga ng standby emergency teams.
Nananatili ring nakaantabay ang Regional Health Emergency Response Teams upang agad makatugon sa pangangailangan ng dagdag na pwersa.
Nakapagpwesto na rin ang ahensiya ng mahigit ₱2 million na halaga ng health emergency commodities para sa agarang pagtugon.
Pinalakas din ang koordinasyon sa pamamagitan ng preparedness at coordination meetings kasama ang Provincial at City DOH Offices, Provincial Health Offices, DOH-retained hospitals, at mga katuwang na ahensiya.
Kasabay nito ay patuloy sa pagbibigay ng mga paalala sa publiko ang mga health staff mula provincial hanggang sa barangay level hinggil sa paghahanda bago, habang, at pagkatapos ng bagyo.