Photo courtesy: Prime Minister Christopher Luxon Facebook Page
Pinag-aaralan ng pamahalaan ng New Zealand ang posibilidad na maging kasapi ng bagong kasunduang pangdepensa ng Australia at Fiji bilang bahagi nang pagpapalakas ng kooperasyon sa Pacific Region.
Ayon kay New Zealand Prime Minister Christopher Luxon, magsisimula ang pag-uusap sa pagitan ng tatlong bansa bago magpasya ang gabinete nito kung sasali ang Wellington sa naturang alyansa.
Aniya, layunin ng kasunduan na mapalawak ang pagtutulungan sa depensa, pagtugon sa mga sakuna, at iba pang banta sa seguridad na kinakaharap ng mga bansang Pasipiko.
Sinabi rin ni Foreign Minister Winston Peters na mahalagang pangunahan ng mga bansang Pasipiko ang pagtugon sa mga banta sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan.
Nauna nang nilagdaan ng Australia at Fiji ang kasunduang nagbibigay balangkas para sa mas malapit na kooperasyong militar at seguridad.
Inaasahan namang magpapasya ang pamahalaan ng New Zealand sa pagsali sa alyansa kapag natapos na ang mga serye ng konsultasyon sa nasabing dalawang bansa.