Itinaas na ng Philippine National Police (PNP) ang heightened alert status sa buong bansa, mula sa mga Police Regional Office hanggang sa National Support Units nito, bilang paghahanda sa inaasahang paghagupit ng Super Bagyong Inday.
Sa panayam sa Kampo Crame ngayong araw, sinabi ni PCol. Jonathan Abella, Community Affairs Division Chief ng Directorate for Police Community Relations (DPCR), epektibo ngayong araw ang pagtataas ng alerto.
Layon nitong matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa harap ng inaasahang epekto ng Super Bagyo.
Una rito, pinagana na rin ng PNP ang kanilang Preparedness at Response Protocols, kabilang na ang pagpapakilos ng Search, Rescue at Retrieval Teams, Quick Response Teams at iba pang Emergency Response Units.
Tiniyak naman ng PNP ang kanilang kahandaan para makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang maibigay ang kinakailangang tulong sa mga maaapektuhang komunidad.