Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Nakikipag-ugnayan na ang ating Embahada sa Madrid, Spain sa Museo Nacional del Prado para sa isang proyektong kultural na ilulunsad kasabay ng pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng pormal na ugnayang diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Espanya sa taong 2027.
Ang Museo Nacional del Prado ay isa sa mga pinakatanyag na museo sa buong mundo, na nagtatampok ng classical art gaya ng mga obra maestra ng mga pintor na sina Francisco Goya at Diego Velázquez.
Sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko” ng Radyo Pilipinas World Service, ibinahagi ni Philippine Embassy in Madrid Consul General Mark Francis Hamoy na bahagi ng kanilang kolaborasyon sa Museo Nacional del Prado ang pakikipagtulungan sa isang Spanish curator, na maituturing na nag-iisang eksperto sa buong mundo pagdating sa 19th century Philippine arts.
Ani Consul General Hamoy, nakikipag-ugnayan na ang naturang curator sa mga kolektor sa Espanya at Pilipinas para sa isang exhibition kung saan itatampok mismo sa Museo Nacional del Prado ang 19th century Philippine masters.
Ayon pa sa Embassy official, ang mga Pilipinong may likha ng mga obra maestra na itatampok sa Museo Nacional del Prado ay nagsipag-aral sa Espanya, bago pa man ang mga pintor na sina Juan Luna at Félix Resurrección Hidalgo.