Nakaalerto na rin ang Quezon City Police District (QCPD) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Typhoon Inday sa lungsod.
Ayon kay QCPD Chief Police Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, nakahanda na ang lahat ng Police station at unit ng QCPD para sa agarang pagtugon bago, habang, at matapos ang pananalasa ng kalamidad.
Nananatili ring naka-standby ang mga disaster response team ng QCPD para sa search and rescue operations, evacuation assistance, traffic management, law enforcement, at iba pang humanitarian response kung kinakailangan.
Pinaigting na rin ang pagbabantay sa mga flood-prone areas, evacuation centers, pangunahing lansangan, transport terminals, at iba pang kritikal na lugar para matiyak ang mabilis na pagresponde, at pagbibigay ng agarang tulong sa mga residente.
Kasabay nito, hinikayat ni PBGen. Silvio ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya.
