Hindi pa maaaring ma-discharge sa PNP General Hospital si Senador Rodante Marcoleta habang hinihintay pa ang resulta ng iba pang pagsusuri, kabilang ang kanyang 2D Echo.
Ayon kay PNP General Hospital Internal Medicine Department Chief Lt. Col. Benaly Bayani, lumabas sa isinagawang laboratory tests na may dyslipidemia o mataas na antas ng bad cholesterol ang senador.
Ipinaliwanag ni Bayani na ang mataas na bad cholesterol ay maaaring magdulot ng pagbabara sa mga ugat, na maaaring makaapekto sa daloy ng dugo.
Dagdag pa ng opisyal, nakararanas pa rin ng chest pain si Marcoleta. Gayunman, bumaba na sa 140/90 ang kanyang blood pressure batay sa pinakahuling pagkuha sa kaniyang blood pressure.
Samantala, sinabi ni Bayani na nakapagsumite na rin siya ng unang medical report ng senador alinsunod sa kautusan ng Sandiganbayan.