Isa na ang napaulat na nasawi habang halos 50,000 indibidwal ang apektado ng mga pag-ulang dala ng habagat na pinalakas pa ng Bagyong Inday.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 10,984 pamilya o 49,422 indibidwal ang apektado sa 81 barangay sa Western Visayas, Northern Mindanao, Davao, at SOCCSKSARGEN Region.
Nabatid na ang nasawi ay isang lalaki mula sa Barangay Managok, Malaybalay City, Bukidnon na tinangay umano ng malakas na agos ng tubig.
Samantala, umabot sa 1,177 pamilya o 3,433 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa 22 evacuation center, habang 120 kabahayan ang napinsala dahil sa masamang panahon.
Patuloy na tinututukan ng NDRRMC ang sitwasyon at ang epekto ng masamang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga apektadong komunidad.