Pormal nang tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tawi-Tawi ang dalawang (2) bagong Patient Transport Vehicles (PTVs) mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa isang turnover ceremony na ginanap sa Butuan City.
Mismong si Gobernador Yshmael “Mang” Sali, kasama ang iba pang mga gobernador mula sa iba’t-ibang panig ng Mindanao, ang sumalo sa mga susi ng sasakyan mula kay PCSO General Manager Melquiades Robles. Naging espesyal na panauhin din sa nasabing okasyon si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ang mga ipinagkaloob na PTV ay bahagi ng Medical Transport Vehicle (MTV) Donation Program ng PCSO na naglalayong palakasin ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, partikular na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) o mga liblib at malalayong komunidad, upang masiguro ang ligtas at mabilis na pagbibiyahe ng mga pasyente patungo sa mga pagamutan.
Ang karagdagang tulong na ito ay kasunod ng nauna nang suporta ng PCSO sa lalawigan noong 2025, kung saan bawat isa sa labing-isang (11) munisipyo ng Tawi-Tawi ay nakatanggap din ng tig-iisang Patient Transport Vehicle sa ginanap namang turnover sa Kidapawan City.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga bagong sasakyang ito upang mas mapabilis ang pagtugon sa mga emergency at medikal na pangangailangan ng mga mamamayan sa buong lalawigan.
📷 TAWI-TAWI PROVINCIAL GOVERNMENT

