Nakatakdang pamunuan ng Pilipinas ang gaganaping Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Foreign Ministers’ Meeting (AMM) sa Maynila mula Hulyo 18 hanggang 24. Kasabay din nito ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC).
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson for ASEAN Affairs Dax Imperial nitong Huwebes, makakadalo ang lahat ng foreign ministers ng mga bansang kasapi ng ASEAN, maliban sa Myanmar na kakatawanin lamang ng kanilang permanent secretary.
Inaasahan ding darating ang mga foreign minister mula sa Australia, New Zealand, India, Japan, at European Union (EU). Samantala, hinihintay pa ang kumpirmasyon kung makakadalo si U.S. Secretary of State Marco Rubio.
Sa loob ng isang linggong pagpupulong, pangungunahan ng Pilipinas ang ilang mahahalagang aktibidad tulad ng AMM-Post Ministerial Conferences kasama ang mga dialogue partners, ang ASEAN Plus Three (China, Japan, at South Korea), at ang high-level ASEAN Regional Forum (ARF). Ang ARF ay isang malaking plataporma para sa diyalogo at kooperasyon sa seguridad sa rehiyong Indo-Pacific na binubuo ng 27 bansa.
Pag-usad sa Krisis sa Myanmar
Bago magsimula ang pormal na pagpupulong sa Maynila, magpupulong muna ang Pilipinas at iba pang foreign ministers ng ASEAN para sa isang “informal consultation” kasama ang Myanmar sa Hulyo 12 na gaganapin sa Bangkok, Thailand.
Layunin ng nasabing konsultasyon na talakayin ang pagpapatupad ng Five-Point Consensus (5PC) — ang kasunduang binuo ng ASEAN upang maibalik ang kapayapaan at demokrasya sa Myanmar matapos ang kudeta ng militar noong 2021.
Bukod sa Pilipinas at Myanmar, ang ASEAN ay binubuo ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam.