Senate of the Philippines
Inatasan ng Sandiganbayan 3rd Division ang Philippine National Police (PNP) na magsumite ng araw-araw na notarized medical status report kaugnay ng kalagayan ni Sen. Rodante Marcoleta, na nananatiling naka-confine sa PNP General Hospital (PNPGH).
Ito ay matapos ang pagdinig ng korte kung saan pinaharap ang mga opisyal ng PNP-CIDG, PNP Health Service, at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon City Jail–Male Dormitory, kasama ang kanilang mga medical personnel.
Sa pagdinig, sinabi ni PNP General Hospital Internal Medicine Chief, PLtCol Benaly E. Bayani, na inirerekomenda nila ang karagdagang pananatili ni Marcoleta sa ospital para makumpleto ang gamutan nito para sa mild pneumonia.
Gayunman, ayon kay Bayani, mas bumuti na ang kondisyon ng senador kumpara nang siya ay ma-admit at fit to travel na rin ito.
Sa panig naman ng BJMP, tiniyak ni Dr. Henry Fabro na kaya nilang pangasiwaan ang isang nakatatandang pasyente na may chronic illness sakaling ilipat sa kanilang kustodiya ang senador.
Kaugnay nito, inatasan din ng korte ang UP-PGH na magsagawa ng independent medical examination kay Marcoleta sa loob ng tatlong araw at magsumite ng ulat at rekomendasyon kung kinakailangan pa ang kanyang pananatili sa PNP General Hospital.
Sa pagdinig, humingi naman ng paumanhin sa korte ang Director ng PNP Health Service, dahil sa pagkukulang sa naging proseso ng ospital nang payagan ang bisita sa senador.
Kinuwestiyon ng Sandiganbayan kung bakit pinayagang makatanggap ng mga bisita si Marcoleta gayong dapat ay naka-isolate umano ito dahil sa mild pneumonia.
Matatandaang kabilang sa mga bumisita sa senador habang naka-confine sa PNPGH sina Sen. Robinhood Padilla at VP Sara Duterte.
Samantala, tinanggap na rin ng Sandiganbayan Third Division ang pag-consolidate ng kasong nakabinbin sa Sixth Division, kaya pagsasamahin na ang pagdinig sa mga kaugnay na kaso ni Marcoleta.