Umabot na sa 57,316 pamilya o higit sa 248,000 indibidwal ang apektado ng mga pag-ulang dala ng Bagyong Inday at pinalakas na Habagat.
Sa ngayon, kabilang sa mga apektado ang Central Luzon, Western Visayas, Negros Island, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Aabot na rin sa halos 2,000 pamilya ang inilikas sa evacuation centers.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng DSWD sa mga apektadong komunidad.
Mula kahapon hanggang ngayong Biyernes, nagpapatuloy ang loading operation ng 29,000 family food packs ng DSWD Field Office 12 sa SOCCSKSARGEN, bilang relief augmentation para sa mga lokal na pamahalaan sa Sultan Kudarat.
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para matiyak ang agarang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.