Pagmamahal sa bayan.
Ito ang naging gabay ng tatlong siyentipikong Pilipino na, sa kabila ng mga alok na mas malalaking oportunidad sa ibang bansa, ay piniling manatili at maglingkod sa Pilipinas.
Dahil sa kanilang natatanging ambag sa larangan ng agham, kinilala sila bilang mga bagong Academician ng National Academy of Science and Technology (NAST) Philippines.
Isa sa kanila si nutrition scientist Imelda Angeles-Agdeppa, PhD., na matagal na naglingkod sa DOST-Food and Nutrition Research Institute. Siya ngayon ang Chairperson ng Board of Nutrition and Dietetics ng Professional Regulation Commission.
Naniniwala si Agdeppa na higit na makabuluhan ang paggamit ng kanyang kaalaman upang makapaglingkod sa kapwa Pilipino.
Pakinggan natin ang kanyang pahayag sa katatapos na 48th Annual Scientific Meeting ng NAST Philippines.
Samantala, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga siyentipiko sa pag-unlad ng bansa, patuloy ang pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST), sa pagpapatupad ng Agham na Ramdam Program, ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr.
Layunin nitong maisakatuparan ang bunga ng mga pag-aaral ng ating mga siyentipiko bilang mga programang may konkretong pakinabang sa pag-unlad ng mga komunidad. Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mailapit ang agham at teknolohiya sa bawat Pilipino.