Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang mga sentimyento ng asawa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na si Gng. Nancy hinggil sa gagawing pag-aresto ng mga awtoridad sa kaniyang asawa.
Ito’y makaraang maglabas ng mensahe si Gng. Nancy sa social media hinggil sa aniya’y “Powerful few,” gayundin sa PNP kaugnay ng pagpapaaresto ng International Criminal Court (ICC) sa dating PNP chief dahil sa madugong drug war.
Giit ng maybahay ng senador, tila nawalan ng saysay ang mga ginawa ng kaniyang asawa sa hanay ng pulisya dahil ito pa umano ang kanilang matatanggap na sukli.
Pero sa pulong-balitaan ng PNP sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co na bagaman kinikilala nila ang mga nagawa ni Dela Rosa noong panahon nito, propesyonal nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin ngayon.
Trabaho lang aniya at walang personalan, kaya mas mainam para sa senador na lumabas at harapin ang mga ipinaparatang sa kaniya.
