Pinaalala ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na sakop ang mga senator-judges ng sub judice rule, partikular sa rule 18 ng senate impeachment rules kung saan hindi pinahihintulutan ang mga senator-judges, house prosecutors, defense counsels at private counsels na magsalita tungkol sa merito ng kaso.
Ginawa ni Tongol ang pahayag matapos matanong tungkol sa facebook post ni Senador Robin Padilla kung saan tila tinatalakay nito ang usapin ng mga video evidence at kung alin sa mga ito ang orihinal at alin ang raw version.
Nilinaw naman ng tagapagsalita na wala siyang kapangyarihan na magpasya kung may naging paglabag si Padilla dahil hindi siya kabilang sa mga senador na bumubuo ng impeachment court.
Aniya, kung mayroong agam-agam o reklamo hinggil sa naturang usapin, maaarin itong manggaling sa mga senator-judges at posibleng mauwi lang sa isang paalala mula sa presiding officer ng impeachment court.
Sinabi ni Tongol na hindi niya nakikitang hahantong ito sa pagpapa-contempt.
Binigyang diin ni Tongol na mas mahigpit na saklaw ng sub judice rule ang mga senator-judges dahil mahalagang mapanatili ang imahe ng pagiging patas, at walang kinikilingan ng impeachment court. | ulat ni Nimfa Asuncion