Muling iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang paglikha ng Executive-Legislative Labor Commission (LabCom) kasunod ng pagtaas sa tinatayang 2.5 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong May.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 4.8 percent ang unemployment rate nitong May mula sa 4.7 percent nitong April. Dahil dito, nadagdagan ang bilang ng mga jobless na Pilipino mula 2.41 million hanggang 2.5 million.
Bumaba naman sa 12.2 percent ang underemployment rate mula sa 15.2 percent nitong nakaraang buwan.
Kaya naman muling isinusulong ni Cayetano ang paglikha ng LabCom para makabuo ng pangmatagalang polisiya para sa sahod, trabaho, proteksyon ng mga manggagawa, at iba pang usaping may kinalaman sa labor sector.
Ang minumungkahing komisyon ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa kongreso; ehekutibo; micro, small and medium enterprises (MSMEs); trade and industry; at labor sector kabilang ang mga migrant at informal sector.
Ayon sa minority leader, hindi lang kakulangan sa trabaho ang dapat tugunan kundi maging ang matagal nang problema sa mababang sahod at mabagal na pagresolba sa mga labor case.
Sa ilalim ng panukalang LabCom, inaasahang magkakaroon ng mas maayos at nakabatay sa datos na mga reporma sa labor sector.
Kabilang dito ang paggawa ng wage policies na naaayon sa pangangailangan ng bawat industriya sa halip na iisang polisiya para sa lahat. | ulat ni Nimfa Asuncion