Maaaring pagpaliwanagin ng Senate Impeachment Court si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez kung bakit hindi siya dapat maharap sa contempt proceedings sakaling hindi siya tumalima sa ipinadalang subpoena kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol sa isang press briefing nang tanungin kung ano ang posibleng mangyari kung hindi sisipot si Lopez sa itinakdang pagdinig.
Ayon kay Tongol, tulad ng iba pang compulsory process ng korte, maaaring pagpaliwanagin ang sinumang hindi susunod sa kautusan ng hukuman kung bakit hindi siya dapat maharap sa contempt citation.
Gayunman, nilinaw niya na bago maglabas ng anumang contempt order laban kay Lopez, kinakailangang mabigyan muna ito ng due process at pagkakataong ipaliwanag kung bakit hindi nito nasunod ang utos ng impeachment court.
Si Lopez ay ipinatawag ng Senado sa pamamagitan ng subpoena para humarap bilang isa sa mga testigo ng prosekusyon sa July 13 at 14.
Bagama’t nakatakdang tumestigo si Lopez sa Martes, July 14, sinabi ni Tongol na isinama sa subpoena ang July 13 at 14 para matiyak ang kanyang availability sakaling magkaroon ng pagbabago sa schedule ng paglilitis o iba pang hindi inaasahang pangyayari. | ulat ni Nimfa Asuncion