COMELEC
Target ng Commission on Elections (COMELEC) na matapos sa loob ng isang linggo ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na gaganapin sa September 14, 2026.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nasa 2.39 milyong balota ang kinakailangang maimprenta para sa halalan.
Apat na printer ng National Printing Office ang gagamitin sa pag-iimprenta, kung saan aabot sa P63 milyon ang budget para sa printing.
Tiniyak din ng Comelec ang transparency ng halalan.
Ayon kay Garcia, kapag natapos ang eleksyon at kung may ihahaing election protest, obligado silang ilabas ang mga detalye ng balota, kabilang ang mga secret markings at iba pang security features na ginagamit sa authentication, alinsunod sa utos ng korte.
Samantala, sinabi ni Garcia na noong 2025 elections ay nasa 800 hanggang 1,000 botante ang nakatalaga sa bawat presinto. Pero nilimitahan ito sa 600 botante kada presinto sa kabila ng kakulangan sa pondo, upang mapabilis ang proseso ng pagboto at maiwasan ang mahahabang pila ng mga botante. | ulat ni DK Zarate