Nilinaw ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol na hindi otomatikong maituturing na “hostile witness” si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty Zuleika Lopez kahit pa kabilang siya sa kampo ni Vice President Sara Duterte at ipinatawag bilang testigo ng prosekusyon sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Sinabi ni Tongol na ang tanong kung bakit nais ng prosekusyon na iharap si Lopez bilang testigo ay mas nararapat sagutin ng House prosecution panel dahil sila ang humiling ng kanyang pagharap sa impeachment court.
Pinaliwanag rin nitong kailangan pa ng pormal na mosyon mula sa prosekusyon bago maituring na ‘hostile witness’ si Lopez.
Kapag naideklarang hostile ang isang testigo, pinapayagan ang panig na naghaharap sa kanya na magtanong gamit ang leading questions o mga tanong na naglalaman na ng hinihiling na sagot.
Maaari rin aniyan kuwestiyunin ng panig na naghain ng testigo ang kredibilidad nito at maging ang laman ng kanyang testimonya. | ulat ni Nimfa Asuncion