Iginiit ng Department of National Defense (DND) na dapat pasinungalingan at labanan agad ang mga pinalulutang na naratibo ng ilang Chinese Scholar na bahagi umano ng China ang Lalawigan ng Batanes.
Ito’y makaraang matanong ang mga Chinese Scholar sa isang Symposium sa China kaugnay ng nagpapatuloy na pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Giit ng mga naturang iskolar, wala umanong legal na batayan ang kontrol ng Pilipinas sa mga Isla ng Batanes na nasa ilalim anila ng hurisdiksyon ng Taiwan, na itinuturing namang breakaway Province nito.
Pero para kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., bagaman nakababahala, dapat na kontrahin agad ang naratibong ito ng China na aniya’y isang malaking kalokohan.
Una nang sinabi ng Maritime Security expert na si Ray Powell, na lumalagpas na umano ang pagpapatrolya ng China sa kanilang 10 dash-line claim na umaabot na sa pagitan ng Taiwan at Batanes.