Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumuo ng isang komprehensibong intervention plan para sa dalawang menor de edad na sangkot sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, Leyte.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hinihintay na lang ngayon ng ahensya ang kumpletong psychological evaluation bago bumuo ng intervention plan na akma sa bigat at katangian ng kaso.
Nakikipagtulungan umano ang DSWD sa Ateneo School of Psychology para makabuo ng mas angkop na psychosocial intervention para sa dalawang menor de edad.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) ng DSWD ang dalawang children in conflict with the law (CICL), edad 15 at 14.
Batay naman sa paunang assessment, tinukoy ng kalihim ang iba’t ibang risk factors na maaaring naka-impluwensiya sa insidente, kabilang ang exposure sa online violence at school bullying.
Kasabay nito, nagsasagawa rin ang DSWD ng family assessment para matukoy kung may mga indikasyon ng neglect o pang-aabuso. Aniya, kung mapatutunayang may pagkukulang ang mga magulang, maaari rin silang managot sa ilalim ng batas.