📷 DOT
Binigyang-diin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang soberanya ng Pilipinas sa lalawigan ng Batanes ay “tapos na at hindi na maaaring pagdebatehan.” Ito ay kasunod ng mga ulat hinggil sa claim ng ilang residenteng iskolar sa China na nagsasabing bahagi umano ng kanilang teritoryo ang Batanes sa pamamagitan ng Taiwan.
Ayon kay DFA Spokesperson Analyn Ratonel, hindi na dapat pang patulan ang mga ganitong uri ng haka-haka.
“Flights of fancy should not be dignified with a response. Nevertheless, the Philippines’ sovereignty over Batanes is settled and not up for debate,” pahayag ni Ratonel sa isang text message sa mga mamamahayag. (Hindi na dapat bigyang-pansin ang mga kathang-isip lamang. Gayunpaman, ang soberanya ng Pilipinas sa Batanes ay settled na at hindi maaaring pagdebatehan.)
Idinagdag pa ni Ratonel na hindi kailanman tatanggapin ng Pilipinas ang anumang revisionist claims o mga pagtatangkang baguhin ang kasaysayan at itinakdang teritoryo ng bansa. Nanawagan din siya sa mga tinaguriang iskolar na ituon na lamang ang kanilang lakas sa mga ungas at tapat na pag-aaral sa rehiyon.
Kontradiksyon sa Sariling Aksyon ng China
Punto pa ng opisyal, mismong ang consular district ng Chinese Consulate General sa Laoag—na aprubado ng gobyerno ng Pilipinas—ay kinikilala at sumasakop sa Batanes bilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang isyung ito ay nag-ugat matapos magpalabas ng ulat ang Newsgd, isang media outlet base sa Guangdong, China. Ayon sa kanilang ulat, nagkakaisa umano ang mga iskolar mula sa iba’t ibang unibersidad sa China sa konklusyon na ang Batan Islands ay isang “natural geographical extension” ng Taiwan, kaya’t ang soberanya nito ay dapat umanong mapunta sa China.
‘Disinformation’ at Kakatwang Salaysay
Hindi rin pinalampas ng Department of National Defense (DND) ang naturang ulat. Sa isang hiwalay na pahayag, tahasang ibinasura ni DND Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga claim na ito.
Inilarawan ng kalihim ang mga ulat ng mga Tsinong iskolar bilang purong “disinformation” at “outlandish narratives” o mga kakatwa at walang basehang salaysay na naglalayong maghasik ng maling impormasyon.