Mahigpit na ipinag-uutos ng Bureau of Corrections o BuCor sa lahat ng mga superintendent ng kanilang mga piitan at penal farm sa bansa na kumuha muna ng angkop na fidelity bond coverage ang mga tauhang hahawak sa Trust Fund ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., layunin nitong maiwasan ang maling pamamahala sa pondo kasunod ng isinagawang internal audit ng ahensya nitong nagdaang Agosto at Setyembre.
Nilinaw naman ni Catapang na bagamat walang natuklasang pagnanakaw o anomalya sa iba pang piitan tulad ng New Bilibid Prison, Iwahig, at Davao penal farms, kinakailangan pa ring palakasin ang internal controls at transparency.
Bilang hakbang para sa mas maayos na sistema, ipag-uutos na rin ang tuluyang pagpapatupad ng Cashless IPX System sa lahat ng pasilidad ng BuCor upang maiwasan ang paghawak ng pisikal na pera.
Ipinag-utos din ang agarang reconciliation ng mga pondo at pagsasanay sa mga tauhang magiging responsable rito.